Ang buhay ng tao ay maihahalintulad sa isang kalsadang mahaba, na minsan baku-bako, minsan nama’y paliku-liko. Ang bawat kalsada ay may hangganan, may dead end na kung kailan mararating ng isang tao ay walang nakakaalam. Isa lang naman ang masasabi ko sa kalsadang ito, panigurado, hirap at ginhawa ang sabay mong nararamdaman sa bawat minutong lumilipas sa biyahe mo.
Ako? Masaya naman ako sa pinili kong daan. Sa kung nasaan ako ngayon sa kalsada ng buhay ko ay dahil sa mga daang tinahak ko noon. At wala naman akong pinagsisisihan doon.
Madalas kong nakukwento sa mga kaibigan ko na napakalaking turning point sa buhay ko ang kolehiyo. Dito ko nalaman na “there’s more in store for me in this life”. Napakabukas kasi sa napakaraming kaalaman, ideolohiya, paniniwala, karunungan at sa kung anu-ano pa sa Unibersidad. Kaya ngayon, hindi ko lubos maisip kung gaano ako kaiba sa kung ano ako dalawang taon pa lamang ang nakalipas.
--------------------
Dalawang taon ang nakalipas…
Sa wakas! Isang taon na lang ang gugugulin ko sa high school at college na ako! Yehey!
Pero may isa akong napakalaking problema… Ano nga ba ang kukunin kong kurso? At isa pa, saan ako mag-aaral? Hala. Hindi naman pupwedeng hahayaan ko na lang na magpaka-impulsive ako sa pagdedesisyon ko dahil ang kinabukasan ko ang nakasalalay dito. Mas lalo naming hindi ko papayagan na mga magulang ko ang magdesisyon para sa akin. Hindi naman kasi sila nag mag-aaral para sa akin. Hala ka. Mag-isip ka na Wielson.
Hunyo. Unang araw ng klase…
Hoy, kaklase! Grabe ano? Isang taon na lang pala… magtatapos na tayo. Ang buhay nga naman, tunay na napakabilis. Alam mo, kung pwede nga lang sanang pigilan ang pag-ikot ng mundo ay ginawa ko na. Minsan kasi, parang hindi na ako makasabay sa pag-ikot ng mundo. Hay.. ewan ko ba. Ikaw, ano bang binabalak mo pagkatapos mong mag-high school? [Hehe, hindi ko pa rin nga alam eh…] Hala ka. [Ikaw ba?] Hindi ko pa rin alam…
Hunyo. Ikalawang linggo ng klase…
[Okay class. Mayroon na ko ritong application form sa UPCAT. Kaso dalawa lang ‘yung napadala sa ating kopya. Ipa-photocopy ninyo na lang. Oh, sinong may gusto ng kopya?] Ma’am, akin na lang po ‘yung isa. [Oh sige, kanino pa ang isang natitira?]
Hunyo. Ikalawang linggo ng klase… kinahapunan.
Mama, may binigay sa aming application form ng UPCAT si Ma’am Tandog kanina…
Agosto. Hapon ng ikalawang araw ng buwan.
Naku, naku. Kinakabahan na ako. Paano kung hindi ako pumasa? Paano na?!
Hay. Bahala na. Nandito na ‘ko, kaya tuloy-tuloy na ‘to.
Agosto. Gabi ng ikalawang araw ng buwan.
Hay. Sa wakas tapos na. Kung ano ang man ang mangyari, wala na akong magagawa roon.
Enero ng sumunod na taon.
Pumasa raw ako? Matingnan nga… Wooh. Oo nga! Grabe.
--------------------
Sariwa pa rin sa akin ang mga alaalang ito. Hindi ko talaga makakalimutan ang mga taong nagdaan. Lalo na ngayong nakaraos na ako ng isang taon sa kolehiyo. Talaga nga naman… ang buhay sadyang mapagbiro. Kung ano man ang mangyayari kinabukasan wala na akong magagawa. Didiretsuhin ko na lang ang kalsadang ito.
Bukod sa klase ng mga lugar na napuntahan ko at mga bagay na naranasan ko sa kalsadang ‘to, hindi rin forgettable ang mga taong nakasabayan ko sa biyahe ko lalo na ‘yung two years ago. Minsan, nagkakasabay lang kami sa stopover ng kaniya-kaniya naming mga biyahe. Mayroon naming iba na nakisabay na lang at bumaba sa kung saan siya pupunta. Kung ano man ang pinagsamahan naming, korni man o seryoso, malungkot man o masaya, isa lang ang masasabi ko. Salamat.
Salamat sa kakornihan ninyo sa tuwing magkakwentuhan tayo.
Salamat sa pakikinig at pang-iisnab minsan sa akin.
Salamat sa mga sagot na naibigay ninyo sa akin, at sa pagtanggap na rin sa mga sagot na binigay ko.
At nakahihigit sa lahat, salamat sa pagtanggap sa akin bilang ako… kung sino ako.
Akalain ba ninyong isang taon na rin ang lumipas mula nang tayo ay nagkahiwalay? Marami nang nagbago sa bawat isa sa atin subalit marami pa rin namang hindi. Isang bagay lang ang hindi dapat magbago. Ang pagkakaibigan natin.
--------------------
Let’s keep moving on with separate lives. Though, our lives may still intertwine at some point in time. J
--------------------
P.S.: Sa mga bago kong kaibigan, ‘wag kayong mag-alala… may ganito rin kayo. Nga lamang, matagal pa ‘yun. Sulitin muna natin ang isa’t-isa habang magkakasama pa tayo.
--------------------
wielson
up_estupidyante